Para sa Estudyante sa MiniStop sa Bustillos, Gabi ng Disyembre 8
Kauupo ko lang para sa unang kain ko sa buong araw. Pagod ang katawan ko dahil sa mga hampas ng batuta at truncheon, suntok at sipa, hambalos ng mabahong tubig, at pagtakbo mula Mendiola hanggang Sta. Mesa ng nakapaa. Pagod ang utak ko dahil sa takot, at dahil sa pag-aalala sa mga tulad kong kabataan na nasaktan.
Sabay pumasok ka kasama ang iyong mga kaibigan.
Narinig kitang pangisi na sabihin sa mga kasama mo ‘Wala namang ginagawa mga yan para umunlad ang buhay’. Sumagot ako ng ‘Kuya, hindi totoo yan’. Niyaya kitang makipag-diskusyon habang kumakain. Mabilis kang tumakbo palayo papunta sa iyong mga kaibigan at nag-takeout nalang. Sayang, gusto pa naman kitang paliwanagan. Kaya ko isusulat ito at sana’y makaabot sa iyo.
1. Walang kaginhawaan para sa mayorya ng Pilipino sa ilalim ng kasalukuyang sistema. Karaniwang isinisisi ang kahirapan sa pagiging tamad, sa kapalaran, kawalan ng diskarte, at iba pang mga factors (salik) na ang esensya ay ang indibidwal ang may kasalanan.
Pero gaano ba ito katotoo? Hindi ba marami sa mga mahihirap ay nagdodoble ng trabaho? Hindi ba marami ay may sideline, tulad ng mga guro na nagbebenta ng longganisa, o ng magsasakang kubrador ng jueteng? Hindi ba marami naman ang sumasabak sa pagiging entrepreneur subalit laging nalulugi dahil sa kawalan ng kapital o sa may kakumpetensyang murang import?
Basahin natin ang mga karanasan ng mga lumalahok sa Occupy Wall Street at iba pang katulad na okupasyon. Marami sa kanila ay mga estudyante nagtatrabaho para makapag-aral, mga manggagawang di sumasapat ang sweldo, mga nabaon sa utang dahil sa ospital, mga inagawan ng tahanan. Pare-pareho ang tema: masipag naman kami, pero bakit kami naghihirap?
2. Kinakailangan baguhin ang sistema. Nasa sistema mismo ang ugat ng kahirapan. Bakit katumbas ng yaman ng 25 na pinaka-mayamang Pilipino ang kinikita sa isang taon ng 54 milyong pinaka-mahirap na Pilipino? Bakit mas malaki ang lupaing hawak ng 9,400 na pinaka-mayamang landlord sa bansa kesa sa 3 milyong pinaka-mahirap na magsasaka? Bakit ang pamilya ni Pangulong Noynoy ay nagmamay-ari sa lupaing doble ang laki sa siyudad ng Makati?
Dulot ito ng sistema kung saan iilan lamang ang may kontrol sa yaman ng bansa. Nakapangalan sa mga kapitalista ang mga makina at pabrika. Kaya kahit dugo’t pawis ng manggagawa ang nagbubuo ng mga produkto, pagkatapos itong maibenta, maliit na porsyento lamang ang napupunta sa kanila. Sa planta nga ng Zesto Juice sa Valenzuela, ang sinasahod nila sa araw-araw ay katumbas lamang ng nililikha nilang mga produkto sa unang anim na minute nila sa trabaho.
At dahil hawak nila ang yaman, hawak nila ang kapangyarihan. Nagbubuo sila ng mga private army tulad ng mga Ampatuan at Cojuangco. Bumibili sila ng mga boto. Gumagastos ng bilyon-bilyon para sa mga komersyal sa TV, poster, polyeto, at iba pa. Minsan ay opisyal na mismo ng gobyerno ang binibili nila imbes na tumakbo sa eleksyon. At gamit ang kapangyarihan na ito, lalong pinatitibay ang kontrol nila sa yaman: hinaharangan ang dagdag-sahod, hinaharangan ang pamamahagi ng Hacienda Luisita, kinakasuhan ng rebelyon ang mga pumapalag na mahihirap.
3. Kinakailangan mamulat ang mamamayan para mabago nito ang sistema. Hindi posible ang pagbabago mula muna sa itaas. Walang pangulo sa ating bansa ang nagmula sa mga mahihirap. Walang senador. Isa sa kada benteng kongresista lamang. Ngayon, mismong pagbabanggit ng salitang ‘pagbabago’ay kinakasuhan na ng rebelyon ng gobyerno. Ang mapayapang kampuhan at pagtulog sa tulay na malapit sa Palasyo ay banta na daw sa seguridad.
Bagong gobyerno, bagong tipo ng sistemang panlipunan ang kinakailangan. At tulad sa karanasan ng ating mga ninuno, posible lamang ito kung kikilos tayo ng sama-sama: tulad ng Katipunan nung 1896, Sakdal sa Gitnang Luzon, mga Igorot at iba pang katutubo sa Kordilyera, mga Moro sa Mindanao, Hukbalahap nung 1940s, Kabataang Makabayan nung First Quarter Storm, pati sa EDSA.
Pero hindi kikilos ang kamay at paa kung ang puso’t isipan ay nakagapos. Biktima ang ating henerasyon ng deka-dekadang impluwensya ng telebisyon at diyaryo na hawak ng mga korporasyon, libro at paaralan na diniktahan ng gobyerno.
Kaya libo-libong Pilipino ang nagtangkang magtayo ng Kampuhan sa Mendiola. Kaya sila/kami humarap sa tiyak na kapahamakan. Kaya kami nagdadagdag sa tila ‘di matapos-tapos na serye ng mga protesta sa ating kasaysayan.
Dahil may mahirap. Dahil may nagpapahirap. Dahil hindi ito kapalaran. Dahil pwede itong baguhin
Sumasang-ayon ako sa lahat ng sinabi mo. Dapat na tapusin itong bulok na sistema!