Para kay IP address 203.82.38.164
Nag-comment ka sa nakaraan kong blog entry. Sinabi mo na puro nalang kami reklamo at bakit di ko sabihin ang dapat gawin. Bagama’t ang IP address mo ay malapit sa isang military base sa Cavite, iisipin ko nalang na hindi ka sundalo at sasagutin ko ang tanong mo para mamulat ka.
Ano ba ang dapat gawin para umunlad ang kalagayan ng karamihan ng Pilipino? May tatlong mayor, pero hindi ang tanging mayor, at kagyat na bagay:
1. Lupa para sa mga magsasaka
Mayorya ng mga Pilipino ay magsasaka, problema ng mayorya ng magsasaka ay ang kawalan ng sariling lipunang binubungkal. Ang paglutas sa problema sa lupa ay paglutas sa problema ng karamiha ng Pilipino. Sa pagkakaroo ng mas mataas na kita ng maraming Pilipino, matutulungan rin na ‘di malugi ang mga lokal na industriya natin.
Bukod sa bibigyan ng hanapbuhay ang mayorya ng mga Pilipino, mapapanigurado nito ang seguridad sa pagkain ng ating bansa. Imbes na naka-konsentra sa kamay ng mga dayuhan at exporters na nagtatanim ng tubo, saging, pinya, atbp., tatamnan ito ng palay, gulay, at iba pang mga kinakailangan nating pagkain.
Magagawa ito kung hihiwalay tayo sa nakaraang mga programa sa reporma sa lupa kung saan pinagbabayad ang mga magsasaka. Sa oras na magkaroon ng kalamidad o kahit kaunting problema lang sa pinansya, hindi makapagbabayad ang mga magsasaka at kukumpiskahin ang lupa nila. Kaya dapat libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka.
2. Isabansa ang mga mahalagang industriya, paunlarin ang mga lokal na industriya
Para mapaunlad ang mga lokal na industriya, makalikha ng maraming trabaho, at makontrol ang presyo ng mga bilihin, importante na isabansa ang mga mahahalagang industriya tulad ng langis, kuryente, at mga minahan.
Malaking dahilan kung bakit nalulugi ang mga lokal na business ay dahil sa napaka-mahal na singgil ng kuryente (pinaka-mahal sa buong Asya), presyo ng langis, hilaw na materyales, at iba pang gastusin. Kung hahawakan ito ng gobyerno, kaya nitong kontrolin ang mga presyo nito dahil masisilip nito paano ito dinadaya at pinapataas ng mga pribadong korporasyon.
Bukod sa paglilikha ng maraming trabaho, mawawakasan ang ating pagiging palaasa sa mga imported na produkto na nagmamahal rin dahil sa mga kadahilanang walang kinalaman sa ating bansa. Pati mga karaniwang mamimili makikinabang.
Sa ganitong paraan rin masisigurado na ang mga limitadong likas na yaman natin, tulad ng langis, natural gas, ginto, tanso, etc. ay magagamit para sa pang-matagalang pakinabang imbes na panandaliang kita ng mga dayuhan.
3. Pag-kansela sa utang na di-pinakikinabangan
Taon-taon, napakalaking bahagi ng kaban ng bayan ang napupunta sa pambayad sa mga utang ng gobyerno. Napupunta ito sa mga malalaking bangko, korporasyong pampinansya, at bilyonaryo. Marami naman sa mga ito ay hindi pinakikinabangan, tulad ng mga utang na kinurakot sa ng mga crony ng diktador na si Marcos. Kung tutuusin, panahon pa lang ng dating pangulong si Cory Aquino, ‘pinapayagan’ na tayo na huwag ng bayaran ang mga utang na ito.
Ang halaga na ito ay sapat para bigyan ng libre at dekalidad na edukasyon para sa lahat ng kabataan, paunlarin ang kalagayan ng agham at teknolohiya sa bansa (lalo na sa research & development), gawing abot-kaya ang lahat ng mga serbisyo sa ospital, bigyan ng murang pabahay ang mga walang tahanan, atbp.
4. Gobyerno na may kakayahang ipatupad ang mga nabanggit na reporma
Sa mga usapin ng ‘anong klaseng gobyerno?’ (hindi ‘sinong pangulo’) at ‘paano makakamit ang ganitong gobyerno?’, matagal ng may mga magandang mungkahi ang progresibong kilusan sa Pilipinas. Dito papasok ang kahalagahan ng paglahok sa ‘Occupy Mendiola’: dito natin mapaguusapan ang iba’t-ibang mungkahi, mapapalitaw kung alin talaga ang tama, makakapag-sanay ng isang ‘hukbo ng mga propagandista’, at mapapakalat ang mga ideyang ito sa buong bansa.
May limitasyon ang kaya kong isulat dito. Kung tunay ang iyong kagustuhan ng pagbabago, inaasahan kong makita ka sa ‘Occupy Mendiola’ sa susunod na ibalik ito.

