December 15

Originally posted on Facebook last Dec. 15, 2009.

December 15: ito na marahil ang pinaka-malungkot na araw sa buong taon para sa akin. Mas malala pa sa Feb.14 ng mga bagong basted, o kaya naman Dec.25 na walang pera. O kaya naman Nov.1 ng mga kamag-anak ng mga desaparacidos. O kaya June 30, 2010 ni Gloria.

Bakit?

Tatlong taon ang nakaraan, isinara ang mga pintuan ng Unibersidad ng Pilipinas. Naging dalawa ang exam na kailangan mong ipasa: una, ang UPCAT, na batayan kung ‘matalino’ ka; at pangalawa, ang TOFI (o Tuition and Other Fee Increases), na batayan kung mayaman ka.

Ang Dec. 15 ay testament sa pinsalang nagagawa ng pagiging makasarili sa kapakanan ng nakararami. Sa mga estudyante na sa UP sa taong iyon, sino ba ang makakalimot sa kinakalat na argumento nun para tumigil tayo sa pag-sali sa rally: Hindi naman kayo apektado, kaya wag na kayong umangal. Kasi naman, ‘ladderized’ ang implementasyon ng TOFI. Bakit nga naman aabsent sa klase, magpapawis at magbibilad sa araw, at mapapaos ang boses sa kaka-rally kaming mga P300 per unit pa rin ang binabayaran?

At ayun na nga. Umepekto ang argumento sa marami. Nalagas ang bilang ng mga daan-daan na nagbarikada sa Quezon Hall nung araw na yun, at yung libo-libo na nagmartsa sa kahabaan ng Acad Oval nung naipasa na nga yung TOFI.

Marami sa mga kasabayan ko sa UP ang nagsasabing malaki ang pinag-iba ng pamantasan mula nung araw na iyon. At ang batayan nila ay ung itsura/damit ng mga estudyante, yung pagdami ng mga nag-iinggles na may ‘twang’, at pagiging uso ng mga nabibiling simbolo ng UP tulad ng mga ID lace at mga mayayabang na shirt.

Pero sa akin, hindi mo makikita sa UP yung pinaka-matinding epekto ng Dec.15. Nasa labas kasi. Nasa mga bukid, nayon, komunidad, at pagawaan. Kung saan nakatira ang milyon-milyon na sana’y makakapag-aral sa UP kung hindi lang dahil sa mahal na mga bayarin. Dun ang pinaka-mabigat na epekto ng Dec.15. Laging bukambibig ng mga kontra-aktibista, mag-aral na lang daw tayo ng mabuti para umasenso. E paano kung hindi ka na makapag-aral in the first place? Paano ka aasenso?

Sana matuto na tayo mula sa araw na ito. Lalo pa’t sa panahon na iyon, maraming sumusulpot na mga mahahalagang isyu na kailangang bigyan ng pansin at prayoridad ng mga kabataan: Martial Law, Gloria Forever, Kahirapan, Climate Change.

Nanggigigil ako tuwing may nagsasabi sa akin ng ‘pasensha na, hindi ko kasi priority yan ngayon’ bilang paliwanag sa kanilang kawalan ng paki sa mga maiinit na isyu. Kadalasan, sa sobrang inis, nakakalimutan ko yung mga dapat kong isasagot: Bakit, kusa bang bababa mula sa pwesto si Gloria dahil lang perfect attendance ka sa klase? Bakit, porke ba nagtapos ka ibig sabihin nun may trabaho ka? Bakit, maipang-lalangoy mo ba ang diploma mo pag natunaw na ang mga ice caps?

Sa mga estudyante ng UP, tignan nyo nalang lagi ang mga Form 5 tuwing nagdadalawang-isip kayong lumahok at kumilos. Tandaan nyo na kaya lang ang ‘P300’ naging ‘P1000’ dahil may mga estudyante na nagsabing ‘hindi ko naman problema yan’, o kaya ‘sa susunod nalang’.

__________________________

________________________________________________________

Sa isang banda naman, ang Dec.15 ay testament naman sa sagad-sa-buto na kabulukan ng mga kontra-estudyanteng mga grupo sa mga pamantasan, tulad ng Alyansa-UPD, Kaisa-UPD, Bigkis-UPM, ISA-UPM, Buklod-UPLB, at KILOS-PUP.

Ilang taon pa bago ang Dec.15, bukambibig nila ang kontrahin ang ating mga babala. Ang pagtataas daw ng matrikula sa UP dahil sa budget cut ay ‘OA’, ‘exagge’, ‘conspiracy theory’, ‘propaganda’, at kung ano-ano pa. Binansagan pa tayong ‘makaluma’, ‘obsolete’, at mga ‘dinosaur’. Hindi na daw uso yung mga sinasabi natin. Makabago na daw ang kailangan at gusto ng mga estudyante.

Naalala ko pa nun: biglaan lang binuo ang anti-TOFI campaign. Kasi, hindi agad pinaalam sa mga estudyante na magkakaroon nun. Kahit nga nung nalaman na natin, ayaw pa sabihin kung sino-sino ang apektado. Pero agad rin nagpatawag ng walkout mula sa klase nung Nov. 24 ng parehong taon sa lahat ng mga yunit ng UP.

Pagdating ng mismong araw, wala kang makikita kundi mga naka-pulang damit dun sa AS Steps kung saan nagtipon ang mga nag-walkout. Ang mga bandila doon: STAND-UP, ANAKBAYAN, LFS, CNS, SCMP, ALAY SINING, GABRIELA, AGHAM YOUTH, NNARA YOUTH, atbp. Ang mga kolehiyo, yung mga may reputasyon na nagiging progresibo paminsan-minsan, tulad ng Arts and Letters, Social Work & Community Development, Fine Arts, at Mass Communications.

Pagdating ng mismong Dec.15, naglabas pa yung mga ibang kontra-estudyanteng mga grupo ng pahayag ng pag-suporta sa TOFI. Sabi nila, napapanahon na daw ito. At bago pa ito, matagal na nilang sinasabi na kailangan na daw natin tanggapin yun. ‘Inevitable’ daw. Grabe. Pati nung sumunod na student council elections, ganun ang sagot nila sa tanong sa interview sa Collegian: napapanahon na daw ang TOFI.

Dumating naman ang 2008 student council elections sa UP Diliman. Ito ang unang eleksyon na makakaboto ang mga apektado ng TOFI. At tulad ng inaasahan, sinabi ng mga kontra-estudyanteng mga grupo na kontra-TOFI sila. Inakusahan tayo na mga sinungaling. Nung nalaman ko yun, dumiretso ako sa Vinzons Hall at tinulangan yung CNS na magsulat at maglabas ng statement. Simple lang laman nun: nag-copy-paste kami sa mga laman ng mga dati nilang pahayag. Tapos naglagay kami ng tanong: dapat pang suportahan at paniwalaan ang mga ganitong kandidato at lider?

Minsan mo lang mahuli ang nagsisinungaling at ipakain sa kanya ang mga sinasabi niya. Isa na yun sa mga pagkakataon na yun. Ang kwento nga nun, hindi na daw nakapag-kampanya ng isang buong araw ang mga kandidato nila. Hiyang-hiya, umiiyak sa tabi-tabi. Ang resulta ng eleksyon? Bagama’t napilayan ang STAND UP nun sa dami ng mga kandidatong pinagbawalan ng admin, marami pa rin ang nanalo.

Nalalapit nanaman ang mga student council elections sa buong UP. Lalabas na jan ang mga gimik na dadaig pa sa nangyayari sa pambansang halalan. Magandang mag-refresher course tayong mga estudyante sa kasaysayan: sa bawat UP unit, iisang kulay lang ang nagtaguyod ng mga karapatan ng estudyante. Hindi ang dilaw, na kulay ng jaundice at heptatitis-b. Hindi rin ang asul, na kulay ng mga bangkay ng mga namatay dahil sa kakulangan sa hangin.

Napaisip nga ako e: naibalik ang mga student councils at publications sa UP nung panahon ng Martial Law. Isipin mo, yun ung panahon na kaya kang patayin o kaya dukutin dahil lang pinaghinalaan kang aktibista ka. Pero nailaban nila yun. Kung yung mga dilaw at asul kaya ang nandun, may mapapala kaya tayo?

Advertisements
This entry was posted in Uncategorized. Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s