May 11

Sa nakaraang ilang linggo, nakita kong magsalita ang mga taong dati’y tahimik sa pulitika. Ang mga dating walang pakialam ay biglang bukambibig ang mga salita tulad ng “kapakanan”, “bayan”, at “kinabukasan”. Nakakatuwa ito, bagama’t sana’y ang debate ng mamamayan ay umikot hinggil sa mga plataporma at programa imbes na sa mga personal na atake at batuhan ng putik.

May 11 ngayon at marami ang dismayado sa resulta ng eleksyon. Marami ang dismayado sa nanalong pangulo. Marami rin ang dismayado sa pumangalawa. Napaka-rami rin ang nabadtrip sa mga nanalo sa pagka-senador. Kahit sa eleksyong partylist, nakakadismaya ang karamihan ng mga nanalo.

May kumakalat na blog entry (pero hindi ko maalala ang URL o yung titulo) na ang sinasabi ay ito: kasalanan rin natin ang mga nangyari dahil naging makabayan at politically-involved lang tayo once every six years. Ngayong eleksyon lang tayo nagkaroon ng pakialam sa bayan, at ine-equate natin ang eleksyon sa pagbabago. Wala na akong maisip na mas angkop pang mga salita bukod dun.

Hindi na uso ang quickie. Nakakainis ang nakakabibitin. Mas masarap ang lutong-bahay o restaurant kesa sa fast food. Malabong tumagal ang mga relasyon na ang tuntungan ay at first sight.

Kung angkop ang ganitong pilosopiya sa personal na pag-ibig, lalong angkop ito sa pag-ibig sa bayan.

Kaya naman hinahamon ang bawat isang nagsalita at nakisangkot sa mga usaping panlipunang ng mga nakaraang tatlong buwan: huwag bumalik sa katahimikan at kawalan ng paki-alam na naging trademark natin ng nakaraang mga taon. Kung may panahong mas kinakailangan ang iyong pagtatanong, pagkkwestyon, pagsasalita, at pangungulit, ito ay pagkatapos mong bumoto.

Sa konteksto ng eleksyon, ang bagong administrasyon ay may mandato na maglunsad ng maraming mga pagbabago. Kailangang may mag-lista kung anong klaseng pagbabago ang kailangan natin at singilin ito sa bagong administrasyon.

Nung kampanya, marami sa atin ay mahigpit na inusisa ang bawat aspeto ng mga kandidato. Kailangang may magpatuloy nito sa bawat galaw at kilos ng bagong administrasyon.

Hinahamon ko ang bawat isang nagsasabing siya ay makabayan na lumahok, bilang simula, sa mga sumusunod:

1. Pagbubuo ng People’s Agenda

Naging bumakbibig ang salitang pagbabago. Ngayong may bagong administrasyon, may mandato mula sa mamamayan para itaob ang mga maling desisyon at pamamalakad ng nakaraang administrasyon. Kaya kailangan nating tukuyin: ano ba ang gusto nating baguhin? Ano bang klaseng pagbabago ang gusto natin? Para kanino? Paano ito makakamit sa konteksto ng pamamalakad ng gobyerno? Para makabuo ng angkop na agenda, kailangan munang maging mulat sa tunay na panlipunang kalagayan. Mahalaga na ang intelligentsia (ang sektor ng mga may “pinag-aralan”) ay “lumubog” sa mga batayang sektor para malaman ang katotohanan sa sitwasyon ng mga mahihirap

2. Pagsusulong ng People’s Agenda

Ang agenda ay parang scorecard ng bagong administrasyon. Madaling makita kung sinsero ito sa paglutas ng ating mga problema, o kung binobola lang tayo gamit ang mga numero tulad ng madalas gawin ni Gloria sa kanyang State of the Nation Address. Siyempre, kailangan ipamulat sa pinaka-maraming bilang ng mga kababayan natin ang agenda: sa mga paaralan, pagawaan, sakahan, komunidad, etc. Kailangan rin kumilos at magpakilos tuwing tinatalikuran o hindi sinusunod ang agenda. Marami ang umasa sa eleksyon na ito na magdadala ng pagbabago. Kung ito’y maging pwersa ng pagka-dismaya, ito ay isang bagay na kakatakutan ng gobyerno at maaaring mag-pressure sa ilang mga pagkakataon.

3. Pag-aralan ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Bakit nga ba marami pa rin ang bumoto kay Erap? Bakit walang pagbabago na nagaganap sa eleksyon? Ano ba ang sagot sa kahirapan? Marami sa atin ang nagtatanong hingil sa kung paano ba sosolusyunan ang mga problema ng lipunan. Pero kung tutuusin, hindi natin makukuha ang mga sagot sa ordinaryong mga buhay natin. Kailangan magsumikap talaga tayong alamin ang mga ito. Kailangan ng masusing pag-aaral ng kombinasyon ng teorya (social theories) at praktika (social investigation). Isang magandang venue para gawin ang mga ito ay sa mga study circles ng mga kapwa mong nagmamalasakit na mga kabataan. Naging uso ito sa mga kabataan nung 1960s, at balita ko’y binabalik uli ang tradisyon na ito ng mga ilang grupo.

Sabi ni Einstein, insanity is repeating the same thing and expecting different results. Ginawa natin na manahimik pagkatapos ng May 2004. Huwag na natin ulitin iyon.

Advertisements
This entry was posted in Uncategorized. Bookmark the permalink.

2 Responses to May 11

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s