Minimum, Maximum

Originally posted in Facebook on September 6, 2009.

Intro muna: Kanina lang, may isang estudyante ng UPD na nag-message sa akin sa Facebook. May pinapakita sa akin na isang online forum ng isang girly magazine kung saan tinutuligsa ng mga iilan ang mga aktibista, specifically sa isyu ng mga rali. Pero may pasarin sila sa isyu ng student code. Tinawag na “tanga” ang paninindigan ng grupong UMAKSYON (Ugnayan ng Mag-aaral Laban sa Komersyalisasyon) na ibasura ang panukalang (at pinangangambahang magiging kontra-estudyanteng) Student Code mula sa Administrasyon ng UPD. Kesyo daw hindi ito realistic na paninindigan at mas realistic ang panawagang “revise” kesa “ibasura”.

Ngunit kung titignan natin, itong mga nananawagan ng “pag-basura” ang nakakamit ng mga “revision” na sinasabi ng kabilang panig. Ang nakakatawa pa, ni hindi kalahok ang maka-rebisyon na panig sa pagkamit ng mga ito. Yung naglunsad ng mga dialogue sa pagitan ng estudyante at Admin, yung nagpapaliwanag sa mga organisasyon ng estudyante at sa mga estudyante mismo, at yung mga naglunsad ng mga konsultasyon para alamin ang pulso ng mga estudyante, lahat ay mula sa panig ng mga para sa “pag-basura”. Kaya yung mga ilang inatras o iniba ng Admin na mga probisyon sa Code, resulta ng pagkilos ng grupong “ibasura”.

Asaan naman ang grupong “rebisyon”? Ano ang nagawa nila? Ano ang nakamit nila?

Ang nabanggit na pangyayari ay paulit-ulit sa buong kasaysayan ng pagsabay ng pulitikang radikal at pulitikang repormista. Parating inaakusahan ng pangalawa ang una bilang “masyadong idealistic” at “hindi realistic” o lapat sa realidad ang mga paniniwala. Pero pag dating ng bilangan, mas maraming nakakamit ang una sa pangalawa sa usapin ng pakakamit ng mga karapatan ng mga mamamayan.

Para lang yung kasalukuyang debate tungkol sa reporma sa lupa. Binabansagan ng mga grupong maka-CARPER (Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms), sa pamumuno ng Akbayan, ang mga grupong maka-GARB (Genuine Agrarian Reform Bill) bilang mga hindi sinsero sa pagkamit ng karapatan ng magsasaka magkaroon ng sariling lupa. Aniya, siguradong hindi ipapasa ng Kongresong puro mga panginoong may lupa ang isang batas na nagsusulong ng LIBRENG KUMPISKASYON ng kanilang mga lupain para ibigay sa magsasaka.

Sa sobrang takot ng mga repormista na banggain ang mga nasa kapangyarihan, nakalimutan nito na may pagbabagong nagaganap sa labas ng kahon kung saan kinulong nila ang sarili nila. Habang namomroblema ang mga repormista paano maglunsad ng pagbabago sa loob ng sistemang kontra-pagbabago, nagkakaroon na ng libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka sa maraming parte ng kanayunan. At sino ang naglunsad nito? Hindi ang DAR, DA, o kahit ang institusyon ng gobyerno. Walang iba kundi ang Bagong Hukbong Bayan (o New People’s Army) sa ilalim ng program ng rebolusyong agraryo nito.

Sa huling pagsusuri, lilitaw pa rin kung sino ang tunay na nagsusulong ng interes ng mamamayan. Ito ay yung, sa pamamagitan ng wastong pagsusuri sa lipunan at mga isyu, ay nakita ang mga ugat ng mga problemang panlipunan at kinilala na matagalan ang solusyon nito. Sa kabilang panig naman, andyan yung mga tinatamad na kumilos para sa tunay na pagbabago kaya nag-imbento ng kung ano-anong mga teorya at ideya para lang mabigyan ng dahilan ang kanilang mga kamalian.

Advertisements
This entry was posted in Uncategorized. Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s