NPA-Gloria alliance at iba pang kwento ni Lola Risa

Bagsak ang ratings ng LP senatoriable na si Risa Hontiveros sa lahat ng mga bagong survey. Sobrang dami na ang isinakripisyo ng kanyang grupo na ang Akbayan (pera? prinsipyo? kredibilidad sa masa?) sa kanyang kandidatura. Kailangang maghabol.

Ito na siguro ang pinaka-magandang paliwanag na maibibigay natin sa pinaka-huling pahayag ni Hontiveros sa media. Tinuloy niya ang linya na nasimulan nung dalawang nakaraang linggo: na ang Nacionalista Party ay suportado ng Communist Party of the Philippines sa katauhan ng mga makabayang senatoriable na sila Satur Ocampo at Liza Maza. Sabi nya

Actually, the links between the left-wing candidates in the NP slate and the Communist Party is something that nobody really questions”.

Nobody questions? O nobody pays attention to? Tatlong beses ng ikinulong ang isa kanyang mga paboritong target, si Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, batay sa mga akusasyong inuulit ni Hontiveros. Tatlong beses rin itong ibinasura ng Korte Suprema sa kawalan ng basehan at katotohanan. Siguro ay nag-workship siya kay Joseph Goebbels, ang propagandista ni Adolf Hitler. Sa kanya kasi nagmula ang kasabihang Repeat a lie often and it becomes the truth. Hindi nga lang SC ang nagbato sa basurahan ng linya niya: pati ang United Nations, sa imbestigasyon hinggil sa sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa nung 2007, ay hindi tinanggap ang mga akusasyong mga aktibong lider ng CPP-NPA si Ocampo (at Maza). Paano nasabi ni Hontiveros na nobody questions? Baka naman dahil lagi nalang militar ang kausap niya?

Nakakatawa nalang talaga na ang grupong kunyari’y naniniwala sa mga demokratikong prinsipyo (ang Akbayan ni Hontiveros) ang siyang nakalilimot ng prinsipyong innocent until proven guilty kapag ang mga karibal nila sa titulong “Leftist” ang pinag-uusapan. Hindi ba sila ay mga pluralista, o naniniwala sa pagkakapantay-pantay ng mga iba’t-ibang ideya at ideolohiya? Bakit may pinag-iinitan sila?

Pero kung sabagay, hindi ito katakataka gayong sila ang kinoronahan ng AFP bilang “a good leftist party”. Sinong good? Sinong bad? Anong ang mga pamantayan?

Dagdag ni Hontiveros

The unholy alliances in the Villar camp is transactional politics at its worst. Joma Sison’s endorsement of Villar hurts rather than helps their campaign because it confirms that the non-democratic left has itself become the very thing it says it fights against”.

Wow. Ngayon, tunog nag-aalala si Hontiveros at Akbayan para sa kanilang mga kalaban: ang tinaguriang “undemocratic Left”, bilang sila daw ang “democratic”. Sa tono nila, tila nalulungkot sila na isinuko ng kanilang mga karibal ang sinasabi nilang ipinaglalaban nila. Pero kelan ba sila pumanig sa undemocratic Left na sinasabi nila? Sinuportahan nila ang pagtaas ng matrikula sa Unibersidad ng Pilipinas noong 2006, at ang tangka ngayong 2010. Sinuportahan nila ang ekstensyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program noong 2008. Sa bawat isyu na ito, nasa kabilang panig lagi sila. Hindi sila nalulungkot na nagbago ang kanilang mga karibal: pinapalabas nila na nagbago ang kanilang karibal.

Problema rin sa kanila, nagtututuro sila pero may tatlong daliri na nakaturo pabalik sa kanila. Tinawag nilang transactional politics ang pakikipag-alyansa ng MAKABAYAN nila Satur at Liza sa Nacionalista Party. Paano iyon naging transactional? Dahil ba hiniling natin na ipasok ang ilang punto ng MAKABAYAN platform sa plataporma ng NP bago pumasok sa alyansang ito? Kung masama ang ganung transaksyon, ano pa kaya ang maitatawag dun sa walang hiningi sa inalyadong Presidentiable at biglang-kumapit nalang ng mahigpit?

Pansinin: kahit kailan ay hindi pa nakipag-debate si Hontiveros at ang Akbayan sa MAKABAYAN hinggil sa mga plataporma at mga programa. Ito kasi ang batayan ng pakikipag-alyansa ng MAKABAYAN sa NP at mukha namang maayos. Pero ayaw ng Akbayan na umabot dito ang usapan dahil masisira ang kanilang teoryang bayaran ang kanilang kalaban. Hindi nila papayagang mawala ang puwang para sa kanilang negative campaigning dahil iyon na lamang ang laman ng kampanya nila. Palibasa, wala naman talaga kasing maayos na plataporma.

Reps. Ocampo and Maza have been consistently inconsistent. On one hand they vehemently deny all links to the CPP-NPA, but on the other hand, they continue to refuse to publicly condemn the extortion activities and other human rights abuses by the NPA”.

Bakit nga ba pinipilit ni Hontiveros at ng Akbayan na kondenahin natin ang isang bagay na hindi naman kailangang kondenahin? Para sa isang grupo na nagsasabing kritikal sila, salat na salat sa pagsusuri itong hirit nila. Bilang kinikilala ng maraming mga ibang bansa bilang “belligerent entity”, may pantay na status ang CPP-NPA-NDF sa GRP (Gobyerno ng Republika ng Pilipinas) sa mga iba’t-ibang relasyon. Kung may karapatan ang GRP na maningil ng buwis, may karapatan rin ang kabilang panig na maningil ng buwis. At ginawa ito ng maraming mga “belligerent entities” sa kasaysayan ng daigdig: ang mga Amerikano nung sila ay kolonya pa ng Inglatera, ang mga Tsino nung nasa ilalim pa sila ng Kuomintang at nung nilusob sila ng Japan noong WW2, kahit ng HUKBALAHAP noong parehong panahon. Sa madaling salita, tahasang pumapanig ang Akbayan bagama’t hindi naman nasusuri ng maayos ang sitwasyong panlipunan at ang ugnayan ng GRP at ng NDF.

Pero balikan natin ang mismong “kagustuhan” ng Akbayan: ang rule of law. Hindi ba dapat isinasampa ang kaso sa tamang awtoridad? Hindi ba dapat may due process ang inakusahan at innocent until proven guilty? Ang problema sa Akbayan, kinakalimutan niyang sabihin na wala namang patunay itong mga akusasyon nila. Ni hindi nga nila ata sinasampa sa tamang awtoridad: ang Joint Monitoring Commission ng NDF at GRP. Mukhang sa kanila bumabalik ang pang-asar nila sa mga tulad natin: maingay pero walang patunay. Mabuti pa ang Commission on Human Rights, mukhang bukas makipag-diyalogo sa NDF sa usapin ng permit-to-campaign. Sino ngayon ang bukas at sino ang sarado ang pag-iisip?

Mahirap itong ipaliwanag sa isang palabas na kalahating minuto lang ang oras mo para sumagot kaya pinapako nila doon ang MAKABAYAN.

Pero ang pinaka-nakakatawa ay ang nasa huling parte ng kanyang pahayag.

There is nothing wrong with being leftist. It’s a legitimate political tradition. The problem is armed violent struggle. They say they are against this, too. But if so, why not simply denounce the NPA? So should Manny Villar, unless they really are ‘friends’ as he once said. O dahil hindi naman daw sila sinisingil ng NPA ng PTC fees, wala na silang posisyon sa isyung ito? At ‘pag siya ang naging presidente, iko-condone niya ang mga ganitong gawain ng NPA?

Una, akala ko ba si Villar ang sikretong kandidato ni Gloria Arroyo? Bakit ngayon, kaibigan siya ng NPA? May alyansa na ba ang NPA at si Gloria? Ano ang nainom ni Hontiveros?

Pangalawa, lumabas na ang pait ng Akbayan. Galit sila sa NPA at sa patakarang Permit-To-Campaign dahil isa sila sa mga hindi makakampanya sa mga lugar na ang kinikilalang gobyerno ay ang rebolusyonaryong kilusan. Bakit? Dahil ayaw magbayad ng Akbayan? Kahit siguro bilyon-bilyon ang ialok nila, hindi ito tatanggapin. Ang nakakalimutan sabihin ni Hontiveros sa mga pahayag niya ay ito:  sa polisiyang PTC, pinagbabawalan ang mga pinaka-represibo at manlilinlang na mga kandidato na mangampanya sa mga “pinalayang” lugar.

Mismong ang AFP ang umamin na hindi nila masugpo ang patakarang ito dahil mayorya naman sa mga lokal na kandidato, sumusunod sa polisiya na ito. Ang nagrereklamo lang, yung eliminated na sa simula pa lang. At yun ay mga tulad ng Akbayan na talaga namang may mahabang listahan ng kasalanan sa mga mamamayan.

Pangatlo, kelan pa naging Leftist si Hontiveros at ang Akbayan? Maganda ang sinulat ng awtor na si Ron Jacobs sa Misrepresenting the Left: We Are Not Liberals. Ayon sa kanya, ang mga taga-Kaliwa ay tinitignan ang kasalukuyang sistemang panlipunan bilang ugat ng marami sa mga problema ng mamamayan. Dahil doon, kailangan wakasan ang ganung sistema. Pero para sa mga Liberal, tinitignan nila na maaaring gamitin ang kasalukuyang sistema (ang mismong ugat) para bawasan ang mga problema nito (ang mga bunga).

Pamilyar ba? Sa isang panig, may nananawagan na ipamahagi ng libre ang lupa sa mga magsasaka. Sa kabila, may tumututol. Sa isang panig, may nananawagan na kung maaari, dapat libre ang edukasyon sa lahat ng antas. Sa kabila, may tumututol. Sa isang panig, may nananawagan ng malawak at malalim na pagbabago sa lipunan. Sa kabila, may natatakot.

Wala silang maihapag na programa ng pagbabago. Nakapagtataka ba na puro paninira nalang ang bukambibig nila? Batay sa pormulasyon ni Jacobs, ipinagtatanggol rin ng mga Liberal ang kasalukuyang represibong kaayusan. Ngayon, nakapagtataka ba na ka-tono ni Hontiveros at Akbayan ang AFP?

magandang pagbabago? o betrayal to the people?

Advertisements
This entry was posted in Uncategorized and tagged , , , , , , , , , , , , . Bookmark the permalink.

4 Responses to NPA-Gloria alliance at iba pang kwento ni Lola Risa

  1. antondominiquecruz says:

    Another reason why I don’t trust Risa. PERIOD

  2. Pingback: Walang Manggagawa sa Midya « Kapirasong Kritika

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s