Paranoid. Far-fetched. OA. Imposible.

Originally posted on Facebook last December 5, 2009.

Paranoid. OA. Far-fetched. Imposible.

Nung pumutok ang isyu ng Charter Change noong Hunyo, ito ang narinig ng marami sa atin habang ipinapaliwanag ito. Lalo na kung sa loob ka ng paaralan nagpapaliwanag. Lalo na sa mga pamantasan kuno ng bayan pero puno na ng mayayaman. Sigurado, yung iba sa inyo na nagbabasa nito, sinabi ito sa mga nagpapaliwanag sa inyo.

Kung may panahong angkop ang kasabihang “I hate it when I’m wrong”, ito na yun. Kung ang lahat ng mga pinapaliwanag natin ay isang checklist, unti-unti ng namamarkahan ang mga patlang.

Tatakbo si Gloria bilang Kongresista. Check.

Papabor sa kanya ang Supreme Court na ang mayorya ay appointed niya. Check.

Mananalo si Gloria bilang Kongresista. _____

Maipapasa ang Chacha at magiging parlyamentaryo na ang gobyerno. _____

Magiging Prime Minister si Gloria. _____

Samantala, may isa pang checklist na napupuno rin. Iba nga lang ang nailalagay.

Huwag na mag-rally, idaan sa impeachment. Eks.

Ok, try again next year. Eks.

Ok, try again next year. Eks.

Hintayin nalang natin ang 2010, bababa na si Gloria nun. _____

Siguro, may ilan pa rin nag-iisip na sobra-sobra naman itong mga teorya para lamang sa simpleng deklarasyon ng Martial Law sa isang probinsya. May ilan nga na pinapalakpakan ang pag-deklara nito para daw maturuan ng deklarasyon. Pero mismong ang AFP ang nagsabi noong Nobyembre 30 na hindi na daw kailangan nito dahil kontrolado na ng AFP at PNP ang sitwasyon dun.

Bakit, may nag-iba ba sa sitwasyon ngayon? Ang sabi ng DOJ, maglulunsad daw ng rebelyon ang mga tauhan ng mga Ampatuan. Kapani-paniwala ba ito gayong kakasabi lang ni Gloria na patuloy silang mahigpit na magkaibigan ng mga Ampatuan? May iba nga na nagsasabi na may kinalaman ito sa kakadiskubre lang na mga kagamitang eleksyon kasama ang mga nakabaon na mga armas ng mga Ampatuan. Kailangan daw ng Batas Militar para mapagtakpan ang matagal ng sinasabing ebidensya ng dayaan sa Maguindanao noong nakaraang dalawang halalan.

Kung totoo man yun, isa lang yun sa mga maraming rason. Numero uno pa rin ay pinapakiramdaman na ni Gloria ang pulso ng mamamayan at ang loyalty ng AFP. Tinitignan nya kung gaano katindi ang reaksyon natin sa Batas Militar. Dahil kung marami sa atin ay papalakpak dahil sa paniniwalang ito ang sagot sa mga pribadong warlord, maaaring magkaroon ng kung ano-anong mga insidente para ideklara ang martial law sa iba’t-ibang mga probinsya. Hindi tayo magagalitm dahil sa iilang probinsya lang, pero hawak naman ng AFP ang mga probinsya. Tulad nung 2004 sa Maguindanao, maidedeliver ng AFP ang landslide victory ng mga kandidato ng Administrasyon.

Pwede rin magkaroon nanaman ng mga bombahan sa Metro Manila. Isisi sa MILF, o sa baka sa kanilang paborito, ang mga NPA at ang mga aktibista. Tapos paghuhulihin sila. E di mas madali buhay ni Gloria sa eleksyon. O pwede rin, isang bagsakan na sa buong bansa. Hulihin lahat, ipanalo sa lahat.

Kailangan nating ulitin: hindi bibitaw si Gloria sa kapangyarihan. Oras na mawala ang kanyang presidential immunity ay ililibing siya ng buhay sa dami ng mga kaso ng korapsyon at paglabag sa karapatang pantao laban sa kanya. Malaki ang posibilidad na ang mananalong susunod na Pangulo ay hindi siya ipagtatanggol. At pag nawala ang napakadaming mga sundalo, pulis, at PSG na nakabantay sa kanya, baka maging biktima siya ng ‘mob justice’.

Sa totoo lang ay marami sa atin ay pasensyoso na pinagbigyan ang mga sinasabi ng mga pro-Gloria na nagpapanggap na hindi: hinayaan natin si Gloria na tarantaduhin ang buong bayan sa loob ng walong taon. Tiniis natin, kahit ang pagtatarantado sa proseso ng impeachment, dahil umasa ang marami sa atin na makakabawi tayo sa halalang 2010.

May isang pang pagkakataon sa kasaysayan na marami ang nagduda sa mga sinasabi ng mga aktibista. Noong pagsara ng Dekada 60, at pagbukas ng Dekada 70, nagbabanta sila na ibababa ang Batas Militar. Kaya nga makikita mo sa mga larawan na uso ang mga panawagan tulad ng “People’s War vs. Martial Law”. Marami ang naniniwala, pero marami rin ang kumukontra. Pag dating ng 1973, alam na ng lahat kung sino ang tama at sino ang mali. Kaso wala ng panahon para sa pagsisisi o congratulations.

Sa unang libro ng mga serye ng librong Harry Potter, nag-alangan ang kanyang kaibigan si Hermione na labanan ang pagbalik ng kontrabidang si Voldemort dahil baka masipa sila mula sa paaralan. At ang sabi niya ay:

“SO WHAT? Don’t you understand? If Snape gets hold of the Stone, Voldemort’s coming back. Haven’t you heard what it was like when he was trying to take over? There won’t be any Hogwarts to get expelled from! He’ll flatten it, or turn it into a school for the Dark Arts! Losing points doesn’t matter anymore, can’t you see? Do you think he’ll leave you and your families alone if Gryffindor wins the House Cup?”

Kakaibang panahon ito dahil sa mga kakaibang pangyayari. Kailangan ng kakaibang tugon, mula sa mga kakaibang Pilipino. May nagsabi na minsan, ang kabayanihan ay hindi ang pag-hakbang pasulong, kundi ang panantili habang ang iba ay umaatras. Ito na ang panahon na mapaghihiwalay ang mga tunay na makabayan at yung hanggang sa pagsuot lang nga mga damit na may bandila ng Pilipinas.

Advertisements
This entry was posted in Uncategorized. Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s