Tatlong Pinag-munihan tungkol sa Relief Ops

Originally posted on Facebook last Oct. 12, 2009.

Para Kanino?

Kanina lang sa Facebook, may nag-post ng picture. Profile pic daw para sa mga estudyante ng mga pampublikong kolehiyo na tumutulong sa mga biktima ng Ondoy at Pepeng. Ang nakasulat? “Iskolar Para sa Bayan”.

Mas kilala ang “Iskolar ng Bayan”. Pinasikat ito ng mga pambansa-demokratikong aktibista at organisasyon, mula pa noong panahon ni Marcos. Samantala, ang “Iskolar Para sa Bayan” ay pinapauso ng mga indibidwal na nagsasabing “laos” na ang “porma” ng aktibismo na dominante ngayon at kailangan na ng mga bagong “porma”.

Bagama’t dalawang salita lang ang pagkakaiba, napakalaki ng kahalugan nito. Sa mga pambansa-demokratikong aktibista, ang “Iskolar ng Bayan” ay nangangahulugan na sila ay kasama o parte ng pakikibaka ng “bayan”, lalo na ang mga batayang sektor ng lipunan. Mauugat pa ito sa konsepto ng “mula sa masa, tungo sa masa”, kung saan kinikilala na magmumula rin sa “masa” ang mga solusyon sa kanilang kahirapan: ang kanilang mga pang-araw-araw na buhay, nararanasan, ideya, at pagkilos. Sa “linyang masa”, ang silbi ng mga aktibista ay para suriin ang “nagmula” sa masa, at bumalik sa kanila sa porma ng pagpapaliwanag.

Sa “Iskolar Para sa Bayan” naman, makikita na pinoposisyon ang aktibista bilang hiwalay sa masa. Oo, sinasabi nila na makabayan rin sila, pero ang kanilang mga ideya at solusyon kuno sa mga panlipunang problema ay hindi nakabatay sa aktwal na karanasan ng masa. Bukod pa dun, hindi sila nakasalalay sa sariling kakayanan ng masa na palayain ang sarili. Angkop dito ang konsepto ng “Messiah”.

Malaki ang implikasyon nito sa usapin ng mga relief operations. Ang mga Messiah, bilang walang tiwala sa kakayanan ng masa, ay limitado lamang sa pagbabagsak ng relief goods. Limos, imbes na pagpapataas sa kakakayanan ng masa na bigyan ng solusyon ang kanilang mga problema. Limos, imbes na pagtulong para suriin ang pinaka-ugat ng kanilang mga problema. At dahil nga naman nanlilimos lang sila, kahit ung simpleng pag-alam sa kalagayan ng masa, hindi nila inaatupag.

Kaya kadalasan, binabato sila ng mga tao mismo. Kung ang iba, tingin dun ay pagiging ingrato ng biktima, sa tingin ko, pagpapakita yun kung gaano kasuklam-suklam ang ginagawa ng mga Messiah. Kasi naman, mamamatay ka na sa gutom tapos magagawa mo pang awayin ang magbibigay sayo ng pagkain? Mukhang may hindi sila nagawang kagusto-gusto.

“Disaster Capitalism”

Limpak-limpak ang nakokolekta ng mga relief drive ng mga malalaking korporasyon, lalo na ng mga dambuhalang grupong pang-media sa ating bansa. Pero alam ba natin paano ang disposisyon ng mga ito?

Ayon mismo sa isang nagsasagip, ang kanilang nakukuhang pera ay hindi naman binibigay o ginagamit. Naka-ipon ito sa bank account ng kanilang foundation at ilalabas lamang pag naubos na ang mga nakolekta nilang goods. Ok, medyo ok pa di ba? Tama nga naman na may back-up ka. Pero yung problema, hindi nga rin naman nila binibigay lahat ng nakokolekta nilang goods. Sila rin mismo nagsabi na sa mga nakaraan nilang mga drive, may tira-tira pa sila na mga goods.

Nung sinabi ko ito sa isa kong kaibigan na artista (gumagawa ng sining, hindi umaarte sa Katorse), sabi niya tama naman ang punto ko. Pero tama rin siya: ano pa bang magagawa natin? Ang isasagot lang naman sa atin ay “ganyan” ang “pamamalakad” sa mga ganung foundation.

Kaya papasok tayo sa katangian ng mga pundasyon na ito. Sa huli’t-huli, mga pribado at kapitalistang mga grupo ito. Pangunahin pa rin nila ang kumita, kaya nga kapitalista, ang mga nag-mamayari, kaya nga pribado. Kung di-kapitalista at pampublikong institusyon ito, lahat ng mga ito ay ibibigay sa mga biktima, walang kulang at kadalasan may labis pa.

Kung tutuusin nga, walang pagkakaiba ang kanilang relief operations sa pamamalakad ng kahit anong kapitalistang empresa: nasa kanila ang kasangkapan, kailangan lang ng iyong lakas. Andyan na ung goods, i-repack mo nalang. Andyan na ung mga sasakyan, dalhin nalang natin ung goods.

“Relief magic?”

May ilan na nagsasabi na ang biglang pagtaas uli ng bilang ng mga mamamayan, lalo na ang kabataan, na nakikisangkot sa pagtulong sa mga bagyo ay pagbalik uli ng diwa ng bayanhian at pagiging makabayan. Parang “Cory Magic”.

Nagkaisa nga ba talaga ang bayan? Palagay ko hindi. Hindi naigpawan ng mga kapitalistang organisasyon ang kanilang pagiging kapitalista. Ang kanilang mga relief efforts ay patuloy na nalilimitahan. Ang gobyerno, nagawa pang sisihin ung mga biktima at gawing excuse ang mga baha para palayasin ang mga maralitang lungsod sa kanilang mga tahanan. Ang pataasan ng ihi ng mga pulitiko, binasa kahit ang mga relief operations.

Mahirap naman kasing mag-hangad ng pagkakaisa ng bayan batay sa mas kilalang depinisyon ng “bayan”. Bawat isa, magkakaisa? Mahirap yata yun. Mas kapani-paniwala pa pag sinabi nating pagkakaisa ng mga inaaping sektor ng lipunan laban sa mga nang-aaping mga sektor. Sa ganun, maniniwala pa ako.

Advertisements
This entry was posted in Uncategorized. Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s